61
isagani-zarate
By

Suporta sa impeachment complaint vs sa 8 justices, pag-iisipan pa ng Makabayan

Sharing is caring!

Pinag-iisipan ng mga militanteng kongresista na suportahan ang plano ng independent opposition sa Kamara na maghain ng impeachment complaint laban sa walong mahistrado ng Korte Suprema na bumoto pabor sa quo warranto petition laban kay dating Chief Justice Maria Lourdes Sereno.

Ayon kay Bayan Muna Partylist Rep. Carlos Isagani Zarate, malinaw naman ang kanilang posisyon na hindi dapat idinaan sa quo warranto petition ang pagpapatalsik kay Sereno.

Gaya ng Magnificent 7, naniniwala si Zarate na ang ginawa ng Supreme Court ay pag-atake sa hudikatura at pagsagasa sa kapangyarihan ng Kongreso na magpatalsik ng impeachable official.

“Pinag-aaralan ito ng Makabayan bloc. Malinaw naman ‘yung tindig namin nu’ng nakaraan, nilabanan namin ang impeachment ni CJ Sereno, maging ang usapin sa quo warranto petition,” sabi ni Zarate.

Gayunman, duda si Anakpawis Rep. Ariel Casilao na magtatagumpay ang impeachment complaint laban sa walong mahistrado dahil sa kasalukuyang komposisyon ng Kamara na mayorya ay kaalyado ng administrasyon.

“Yung remedyo paano panagutin ay isang bagay na puwedeng talakayin ng Makabayan. Tingin namin ay mayroong malabong tsansa ito dahil alam naman natin ang mayorya ng kongresong ito, maaaring hindi asikasuhin ang anumang impeachment na inihain,” sabi ni Casilao.

Una rito, inihayag ni Akbayan Rep. Tom Villarin ang planong paghahain ng reklamong impeachment laban kina Associate Justices Teresita Leonardo-De Castro, Diosdado Peralta, Lucas Bersamin, Francis Jardeleza, Samuel Martires, Noel Tijam, Andres Reyes Jr., at Alexander Gesmundo.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?