28

Nov 21, 2021 @ 15:19
By

Suplay ng kuryente damay sa sigalot ng NEA, BENECO – Win

Sa pangambang baka makaapekto sa suplay ng kuryente ang sigalot ng National Electrification Administration (NEA) at ng Benguet Electric Cooperative (BENECO), hinimok ni Senador Win Gatchalian
ang NEA na gumawa ng hakbang para matapos na ang hindi pagkakaunawaan ng mga opisyal at empleyado ng dalawang panig.

“Ang ikinababahala ko ay baka magambala ang operasyon ng BENECO. Ang Baguio ay isang highly urbanized city at umaasa sa serbisyo ng BENECO and Baguio pati na ang 13 bayan ng probinsya ng Benguet. Hindi magandang senyales para sa mga konsyumer ang makita nilang ginagamitan ng pwersa ang kanilang kooperatiba,” sabi ni Gatchalian sa kasagsagan ng debate sa Senado hinggil sa panukalang pondo ng mga ahensyang nasa ilalim ng Department of Energy (DOE).

“Kaya sinabi namin sa NEA na wag ipagkibit-balikat ang isyu at solusyunan agad ito upang hindi na umabot sa puntong magkasuhan pa sa korte o kaya ay idaan sa dahas ang pagluluklok ng bagong general manager ng Beneco. Nag-aalala na ang mga residente at mga negosyante sa maaari pang mangyari sa mga susunod na araw,” dagdag pa ng senador.

Sa kabila ng panawagan ng Senate Energy Committee Chairperson na mag-ayos na ang dalawang kampo, hindi ito nangangahulugan aniya na hindi na itutuloy ang planong pag-iimbestiga sa mga isyu na kinasasangkutan ng BENECO at NEA. Nilinaw ni Gatchalian na ang imbestigasyon ay para malaman kung anong kaukulang panukalang batas ang dapat ibalangkas.

Nagsampa na ng reklamo ang BENECO sa city prosecutor’s office laban sa isang opisyal ng NEA, dating PCOO Assistant Secretary Ana Marie Rafael na siyang inuupo ng NEA na GM ng BENECO, at iba pa nilang kasamahan kaugnay sa sinasabing sapilitang pag-takeover sa main headquarters ng BENECO noong Oktubre 18. Ang pagtatalaga ng NEA kay Rafael ay mariing tinututulan ng cooperative board.

Samantala, may nakabinbing kaso naman laban sa BENECO na may kinalaman hindi sa nangyaring gulo kundi sa audit na ginawa ng internal audit team ng NEA.

Matatandaang idineklara si Rafael na persona non grata ng provincial board ng Benguet. Nauna nang idineklarang persona non grata si NEA legal officer Omar Mayo na itinuturong nanguna sa takeover na nangyari sa BENECO main headquarters noong nakaraang buwan. (Dindo Matining)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?