355

Oct 1, 2017 @ 18:01

Supervisor sa isang mall, natagpuang naaagnas sa ilalim ng kama

Naaagnas na nang matagpuan ang bangkay ng 36 anyos na babae na isang suspervisor sa Robinson’s mall (Timog branch) sa ilalim ng kanyang kama sa inuupahang apartment nitong sa Quezon City, kamakalawa ng hapon.

Sa spot report ng Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU) ng Quezon City Police District (QCPD), ang naaagnas na bangkay ni Sharon Agustin Morales ay nadiskubre ng kanyang biyenan na nakilalang si Esperanza Pascua, dakong alas -12: 50 ng hapon, nitong nakaraang Setyembre 29 sa loob ng kanyang silid at nasa ilalim ng kama.

Ayon kay Pascua, nagtungo siya sa bahay ng kanyang manugang na matatagpuan sa Maya St., Unit 5, Barangay Commonwealth, upang bisitahin sana ang kanyang anak at ang kinakasamang si Morales.

Dahil hindi naman nakakandado ang pinto ay pumasok na lamang umano si Pascua sa bahay subalit sinalubong siya ng masansang na amoy. Sinundan umano niya kung saan nanggagaling ang masamang amoy at laking gulat niya nang makita ang naaagnas na bangkay ni Morales.

Sa matinding takot ay ipinagbigay alam ni Pascua sa mga opisyal ng Barangay ang pagkakatagpo niya sa bangkay ng kanyang manugang na agad namang itinawag sa pulisya ng mga nagrespondeng mga tanod.

Sinasabing huling nakitang buhay ang biktima dakong alas-9:00 ng gabi ng Setyembre 26 matapos makipag-inuman sa kanyang mga kapitbahay sa loob ng kanyang tahanan.

Ang bangkay ni Morales ay dinala sa PNP Crime Laboratory upang isailalim sa awtopsiya para malaman kung ano ang sanhi ng ikinamatay nito. (Dolly B. Cabreza)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?