19

Jun 14, 2021 @ 12:07
By

Suns winalis ang Nuggets, pasok sa WCF

Tumawid na patungong Western Conference Finals ang Phoenix Suns matapos walisin ang Denver Nuggets sa game 4, 125-118, nitong Lunes (oras sa Pilipinas).

Naglagablab ang tambalang Chris Paul at Devin Booker na umiskor ng pinagsamang 71 points, at tutungo ang Suns sa West finals na siyang huli nilang narating noong 2010 nang si Steve Nash pa ang kanilang star player.

Ngunit sa pagkakataong ito, ang pagdagdag sa lineup ng beteranong si Paul ang siyang naging susi ng Suns sa matagumpay na season, kung saan nakabalik rin sila sa playoffs matapos ang mahigit 10 taon.

Hindi umayon ang pagkakataon sa Nuggets sa third quarter kung saan na-eject si Nikola Jokic matapos ang flagrant foul kay Phoenix guard Cameron Payne.

Matapos ang hard foul, nagkaroon pa ng sagutan sina Booker at Jokic kaya naman parehas silang tinawagan ng technical foul at siyang nagpa-eject kay The Joker sa laban. Nagtapos si Jokic na may 22 points at 11 rebounds.

At dahil sa pagkabigo, si Jokic din ang MVP na winalis sa isang playoff series sa unang pagkakataon mula 1989, kung saan nawalis ng Pistons ang Lakers ni Magic Johnson sa finals.

Magkakaroon ng sapat na pahinga ang Suns bago ang West finals kung saan hihintayin nila ang magwawagi sa pagitan ng Utah Jazz at LA Clippers.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?