93

Oct 25, 2017 @ 17:51

Sunog, sumiklab sa supermarket ng mall

Sumiklab ang isang sunog sa supermarket ng Victory Central Mall na naging dahilan ng pagsisikip ng daloy ng trapiko sa Caloocan City kaninang umaga.

Sa ulat ni Caloocan City-Bureau of Fire Protection (BFP) F/Supt. Crispo Diaz, ganap umanong alas-7:30 ng umaga nang mag-umpisa ang apoy sa supermarket section ng nasabing mall na matatagpuan sa unang palapag.

Gumapang hanggang stockroom ng supermarket ang apoy. Inilagay naman sa unang alarma ang sunog.

Dahil sa insidente’y bumigat ang daloy ng trapiko sa lugar na umabot hanggang Balintawak.

Gumamit ng smoke injector ang mga bumbero upang mabawasan ang makapal na usok na siyang nagpahirap sa kanila na makapasok nang maayos sa mall.

Wala namang naiulat na nasugatan o nasawi sa nasabing sunog.

Kasalukuyan nang nagsasagawa ng pagsisiyasat ang mga arson investigator kung ano ang pinagmulan ng apoy.

Samantala, ilang mga nagtatrabaho sa mall ang nagsabing mula pa umano Martes ng gabi ay tila may naaamoy na silang parang nasusunog sa bandang iyon ng supermarket, bagay na kinukumpirma pa ng mga imbestigador.

Nasa mahigit P200,000 halaga naman ang natupok ng apoy.

Kaugnay nito, pangatlong beses nang nagkaroon ng sunog sa nasabing mall at ang huli ay noong taong 2015. (Cherk Balagtas)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?