109

May 16, 2021 @ 8:41
By

Sunog sa PGH sumiklab, mga pasyente in-evacuate

Ginimbal ng sunog ang Philippine General Hospital nitong Linggo ng hatinggabi.

Ayon sa Bureau of Fire Protection-NCR, umabot sa first alarm ang sunog bandang alas-12:41 ng hatinggabi, tinaas pa ito hanggang sa ikatlong alarma.

Bandang alas-2:46 ng madaling-araw ay dineklarang kontrolado na ang apoy, habang alas-5:41 ay tuluyan nang naapula ang sunog sa PGH.

Ayon sa Manila Public Information Office, kinailangang ilipat mula PGH ang aabot sa 12 sanggol patungong Sta. Ana Hospital na nasa intensive care unit (ICU).

Dagdag pa ng PIO, walang nasawi o nasaktan sa naturang sunog.

Napuno din ng pasyente ang chapel ng PGH na nagmistulang evacuation site dahil sa nangyaring sunog, ayon sa Facebook post ni PGH head chaplain Fr. Marlito Ocon.

Inanunsyo naman ni PGH spokesperson Dr. Jonas del Rosario na sarado muna ang kanilang emergency room dahil ginawa rin itong evacuation site para sa mga pasyente.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?