121
Sunod na Budget secretary, hindi sana politiko - Diokno
Mar 6, 2019 @ 17:30
By

Sunod na Budget secretary, hindi sana politiko – Diokno

Kung si bagong Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) Governor Benjamin Diokno ang masusunod, nais nitong hindi politiko o dating politiko ang sumalo sa binakante niyang puwesto sa Department of Budget and Management (DBM).

Gayunman, tumanggi si Diokno na ipaliwanag ang dahilan kung bakit ayaw nitong politiko o dating politiko ang magpatakbo sa iniwanang departamento.

Pero tiniyak ng BSP governor na kahit mailipat na siya sa ibang institusyon ay maipagpapatuloy pa rin aniya ang mga nasimulang reporma sa ahensiya tulad ng cash-based budgeting system at mas maayos na proseso ng procurement.

Tumanggi namang magkomento si Diokno sa posibilidad na si dating Pangulo at ngayo’y House Speaker Gloria Macapagal-Arroyo ang itatalaga ni Pangulong Rodrigo Duterte bilang susunod na Budget secretary.

Ipinakilala na rin ni Diokno sa huling press conference nito ang officer-in-charge ng DBM na si Janet Abuel.

Kasabay nito inihayag ng BSP governor na si Finance Secretary Carlos Dominguez ang nagrekomenda sa kanila sa bagong puwesto.

Tinanong aniya siya ng Finance secretary kung sino sa palagay nito ang maaaring ipalit kay Nestor Espenilla Jr., na pumanaw kamakailan, na sinagot naman nitong kahit sino sa mga BSP deputy basta kuwalipikado sa puwesto.

Sinabi aniya ni Dominguez na bakit hindi na lang siya, na sinagot naman niya ng “sure, why not” kaya napunta sa kanya ang pagiging BSP governor.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?