68

Feb 11, 2020 @ 14:06
By

Sungka, sumpit, iba pa pasisiglahin

Inaasahang tuluyang mapepreserba ang mayamang kultura at makasaysayang tradisyunal na laro ng mga Pilipino sa pagsasabuhay at posibleng pagsasagawa ng iba’t ibang mga kinalakihang lokal na uri ng palakasan sa bansa.

Ito ay matapos na isulong ng House of Representatives ang pagpapasa ng isang batas na mapanatili ang mga tradisyunal na laro sa bansa gaya ng sungka at sumpit sa pagsasagawa nito ng mga taunang torneo sa indigenous sports.

Iniendorso ng House Youth and Sports Development Committee para maaprubahan sa plenaryo sa nakaraang linggo ang committee report sa House Bill No. 6192, o ang mungkahing Philippine Indigenous Games Preservation Act.

Ilan sa mga tradisyunal na sports o laro mula sa mga indigenous community ay ang tribal archery, blowpipe, sibat (spear), dug-out canoe race, rock balancing, sumpit, sungka at kadang-kadang kinagigilawan ng mga kabataan.

Popular sa mga pagsasama-sama ng pamilya ang sungka na isinasagawa ng dalawang manlalaro sa paghuhulog ng mga shell o bato sa butas ng hugis canoe na board na tinatawag na sungkaan hanggang sa matapos ng isa ang lahat ng mga bato sa kanyang bahay at manalo.

Ang sumpit ay isang uri na hinihipan gamit ang mongo, o maliit na bagay, bilang bala para tamaan ang target, ang Kadang-kadang ay kailangan ng balanse sa isang mataas na kahoy o tinatawag na stilts para magkarera.

Ilan sa probisyon sa batas ang pagdaraos ng taunang regional at national indigenous sports competition na pamumunuan ng Philippine Sports Commission at Philippine Olympic Committee, at sa pagsasama sa indigenous sports sa Palarong Pambansa.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?