115

Nov 4, 2019 @ 14:57
By

Sundalo todas sa engkuwentro

Patay ang isang sundalo habang nahuli naman ang isang hinihinalang New People’s Army member sa dalawang magkahiwalay na insidente sa bayan ng Lopez at Mauban sa lalawigang ito noong Linggo.

Kinilala ang napatay na si Private Kim Veluz na kabilang sa Army 85th Infantry Battalion.

Sa report ng pulisya, sakay ng motorsiklo ang biktima patungo sa kabayanan ng Lopez nang biglang sumabog ang isang improvised explosive device pagsapit ng sundalo sa Barangay Sta. Rosa alas-4:30 ng hapon. Dead on the spot ang sundalo.

Pinangalanan ng pulisya sina Cecilia Mondia at Hilario De Roxas, pareho umanong rebeldeng NPA bilang suspek sa pagkamatay ng sundalo.

Subalit hindi naman ipinaliwanag sa report kung bakit napasangkot ang dalawa at ano ang ginawa nila sa pagpapasabog ng bomba na ikinamatay ng sundalo.

Samantala, nagsagupa naman ang isang tropa ng mga sundalog at nasa 10 rebeldeng NPA sa Barangay Cagsiay 2 sa Mauban noong Linggo umaga.

Pagkalipas ng 15 minutong barilan ay umatras ang mga komunistang gerilya patungo sa Barangay Abu-Abu sa nasabi ring bayan.

Narekober ng mga sundalo ang tatlong magazine ng baril, isang mobile phone na may SIM card at isang jungle pack na naiwan ng mga rebelde sa pagtakas.

Dinakip din ng pulisya si Rose Marie Macatangay, 18, at residente ng Barangay Cagsiay 2 bilang isang hinihinalang kasapi ng NPA at suspek umano sa naganap na engkuwentro.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?