67

Nov 22, 2021 @ 16:19
By

Sundalo sa Ayungin Shoal hindi aatras sa China – Esperon

Hindi aatras at hindi iiwanan ng mga sundalo ang Ayungin Shoal kahit na nakabantay ang puwersa ng China sa paligid ng teritoryo ng Pilipinas.

Ito ang inihayag ni National Security Adviser Secretary Hermogenes Esperon kasunod ng insidente ng pangha-harass ng Chinese Coast Guard sa dalawang barko ng gobyerno na maghahatid sana ng supply para sa mga sundalong nagbabantay sa Ayungin Shoal.

Ayon kay Esperon, maski kakaunti lamang ang puwersa ng mga sundalo sa lugar ay hindi nila papayagang maagaw ito ng China.

“Huwag kayong mag-alala yung ating mga kasundaluhan diyan hindi aatras diyan maski na kokonti lang sila talagang ipaglalaban ‘yan. Matagal ng hinahawakan natin ‘yan,” ani Esperon.

Ang kailangan aniyang gawin ng gobyerno ay magdagdag ng puwersa ng Coast Guard at Bureau of Fisheries para masigurong hindi makaporma ang Chinese forces sa mga teritoryo ng Pilipinas.

Sinabi ni Esperon na mahalaga ang multi-lateral dialogue para malutas ang gusto sa mga pinag-aagawang teritoryo sa South China Sea para walang iisang bansang magkokontrol sa lugar.

“Multi-lateral ang pag-address nito. Tayo naman very specific, tibayan natin ‘yung ating stations at dagdagan natin ‘yung ating investment sa security. Kung magagawa natin ‘yan ay mapakinabangan no’n ‘yung ating blue economy diyan. Ang ating karagatan ay pitong beses na kasing laki ng ating lupain,” dagdag ni Esperon.

Binigyang-diin ng kalihim na dapat maging bukas sa lahat ang South China Sea lalo na sa mga dumadaang kalakal para sa kalunlaran ng rehiyong Asya.

“Itong South China Sea ay napaka-importante nito, kailangan ito ay maging free, open for navigation and for aviation. Hindi dapat kokontrolin ng isang bansa ito dahil sa shipping lang ay five trillion dollars a year ang dumadaan diyan,” wika ni Esperon.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?