32

Oct 9, 2017 @ 17:19

Sundalo, anak kulong sa pagtutulak

Sa rehas na bakal magkasamang ikinulong ang dating sundalo ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at ang  kanyang anak matapos na mahuli sa pagtutulak ng shabu sa Quezon City.

Batay sa natanggap na ulat ni Quezon City Police District (QCPD) Director P/Chief Supt. Guillermo Lorenzo T. Eleazar, ang mag –amang suspek ay nakilalang sina Damaso Calayan, 57-anyos, dating sundalo ng AFP, tubong Tuguegarao at anak na si Julius Calayan, 33 –anyos, welder, kapwa naninirahan sa No. 149 Road 1,JP Rizal Ext., Brgy. Bagong Silangan, ng nasabing lungsod.

Ang mag–amang tulak ay nakapiit ngayon sa detention cell ng Batasan Police Station 6, habang inihahanda ang kasong paglabag sa R.A 9165 o Comprehensive Drug Act of 2002 laban sa kanila.

Sa  report ni PO3 Zaldy Notarte ng Batasan Police Station 6, dakong alas–6:00 ng gabi kamakalawa nang isagawa ang buy–bust operation ng mga operatiba ng anti-illegal drug enforcement sa lugar sa pamumuno ni P/Chief Insp. Zandy Caparroso.

Makaraan ang transaksiyon sa pagitan ng mga suspek at poseur-buyer, at magkabayaran ay saka nagsulputan ang mga nakakubling pulis at agad na pinosasan ang mag –ama.

Nakumpiska sa mag–ama ang 6 na plastic  sachet ng shabu, .38 kalibreng baril, drug paraphernalia at P500  drug money. (Dolly B. Cabreza)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?