427

Apr 23, 2020 @ 11:48
By

Sumunod naman sa SOP! Pulis na nakapatay ng ex-sundalo, ‘di na kailangan ng warning shot – PNP spox

Nasunod naman ang nasa standard operational procedure ng mga pulis kaya hindi na kailangan ng warning shot ni Police Master Sergeant Daniel Florendo, na dalawang beses binaril ang dating sundalo na si Winston Ragos.

Ayon sa panayam sa ‘Unang Balita’ ng GMA, sinabi ni Philippine National Police (PNP) spokesperson Brig. Gen. Bernard Banac na nagbigay naman ng verbal warning si Florendo kay Ragos ngunit hindi ito sumunod.

Sa video na kumalat sa social media, makikita na pinapaluhod ni Florendo ang dating sundalo ngunit nanatili itong nakatayo, at pagharap na aktong may bubunutin sa bag ay pinaputukan ng dalawang beses ng pulis.

“Sa pagkakataong iyon ay hindi naman kailangan ng warning shot at ginampanan ng ating pulis ang naaayon sa police operational procedure,” saad ni Banac.

“Makikita natin na nagbigay siya ng verbal command, makailang beses siyang nagbigay ng warning subalit nagbigay pa rin ng mga provocative na mga galaw ‘yung suspek…” aniya pa.

Paliwanag pa ni Banac, judgement call umano ang ginawang pamamaril ni Florendo dahil nakita nitong nasa panganib ang kanyang buhay.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?