286

By

Sumuko ka na! – Año sa kapitan na nambugbog ng binatilyo

Sharing is caring!

Hinimok ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo M. Año na sumuko na ang barangay chairman at limang mga tauhan pinagtulungang gulpihin ang isang binatilyo sa Sta. Cruz, Manila.

Ayon kay Año, dapat na magpakalalaki at harapin ang pagkakasalang ginawa ni Chairman Felipe Jr. Falcon ng Barangay 350 sa nasabing lungsod.

“Being a public servant, maging accountable ka at maging responsible sa ginagawa mo. Pakita mo na ikaw ay isang tunay na public servant. Bibigyan ka naman namin ng due process,” giit ni Año.

Sa ulat, ginulpi umano ni Falcon ang 16-anyos na binatilyo matapos na hindi nito makilala ang kapitan ng barangay at tinawag na ‘kagawad’ (councilor) noong November 3, 2018.

Binigyang diin ni Año, suspensiyon ang magiging parusa kay Falcon at sa limang tauhan nito kapag maghahain ng kaso ang biktima sa Office of the Ombudsman habang isinasailalim sila sa imbestigasyon.

“Hindi natin papayagan ang mga pang-aabuso, lalong-lalo na ng elected officials, Kailangan dito ay ipinakikita natin ang pagiging tunay na public servant at walang abusong ginagawa,” giit ng kalihim.

Nakatakda rin aniyang maghain ng ‘administrative charges’ ang pamunuan ng DILG laban sa nasabing barangay chairman at sa miyembro ng konseho na sangkot sa pambubugbog sa binatilyo.

“Sa parte naman ng DILG, magfa-file kami ng administrative case. Magco-conduct kami ng investigation,” dagdag pa ng DILG chief.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?