230

Oct 16, 2017 @ 16:24

Sumadsad na Cebu Pacific plane binatak na sa runway

Pasado alas-10 ng umaga kahapon nang hatakin na mula sa pagkakalubog sa putikan ang naaksidenteng eroplano ng Cebu Pacific sa Iloilo International Airport.

Kinailangan pang ilipad ang ilang mga special equipment ng Manila International Airport Authority (MIAA) sa Iloilo kasama ang kanilang mga ‘crash experts’ para mabatak ang A320 na eroplano ng Cebu Pacific.

Kasabay naman nito sinabi ni Eric Apolonio, ang tagapagsalita ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP), na pinalawig nila hanggang alas-2 ng hapon ang inilabas nilang notice to airmen (NOTAM) para ganap na makapagsagawa ng inspection sa runway ng Iloilo Airport.

Abo-abot naman ang paghingi ng paumanhin ni Charo Lagamon, ang tagapagsalita ng CebuPac, sa mga naapektuhang pasahero kaugnay sa insidente noong Biyernes ng gabi.

Simula noong Sabado ay sarado ang Iloilo airport at kinansela ang mga flights maging ng ibang airline companies.

Dinala na lang sa Roxas airport ang mga pasahero na patungo sa Iloilo at pinili na ituloy ang kanilang biyahe.

Wala pang nabanggit hinggil sa nagging ugat ng aksidente bagamat sa mga naunang ulat, lumiko ang unahang gulong ng eroplano paglapag nito sa madulas na runway kayat dumiretso ito sa lupa.
Wala naman nasaktan sa 180 pasahero ng eroplano. (Pinggoy Romero)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?