62

Sep 17, 2019 @ 17:51
By

Suicide bomber sa Sulu, kumpirmadong babae

Kinumpirma ng pulisya na babae ang suicide bomber sa naganap na kaso ng suicide bombing sa Sulu kamakailan.

Ito ay base sa inilabas na resulta ng DNA test sa nagkapira-pirasong katawan ng nasabing terorista na sangkot sa tangkang pagpapasabog sa isang military camp sa Barangay Kajatian, Indanan, Sulu noong Setyembre 8.

Sa press briefing sa Camp Crame nitong Martes, kinumpirma ni PNP Deputy Spokesperson Police Lt. Col. Kimberly Molitas, na babae ang suicide bomber na siyang nagtangkang magpasabog ng isang military camp sa Barangay Kajatian sa bayan ng Indanan, Sulu.

Una nang nagkaroon ng kalituhan ang mga awtoridad sa kasarian ng nasabing suicide bomber dahil nagkalasog-lasog ang katawan ng suspek at mistulang kamay umano ng isang lalaki ang narekober sa blast site dahil mabalahibo ito.

Gayunman, ayon kay Molitas, ay wala pang konklusyon at patuloy pang inaalam ang nationality ng nasabing suicide bomber na hinihinalang isang Egyptian terrorist.

“Results of further forensic examination by the PNP Crime Laboratory found ‘partial female DNA profile’ in 20 human tissue, and flesh and bone specimen recovered from the scene of a recent explosion at a military camp,” saad ni Molitas.

Matatandaang Setyembre 8 ay tinangka ng nasabing suicide bomber na pasabugin ang detachment ng Army’s 35th Infantry Battalion sa Indanan, Sulu pero naging maagap ang mga sundalo kung saan sa katawan mismo ng nasabing terorista sumabog ang nasabing bomba.

Wala namang naiulat na nasawi o nasaktan maliban sa suicide bomber na nagkagutay-gutay ang katawan sa pagsabog.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?