63
Suicide bomber napigilan sa Sulu
Sep 9, 2019 @ 16:05

Suicide bomber napigilan sa Sulu

Napigilan ng militar ang planong suicide bombing ng teroristang Abu Sayyaf Group na ang target ay ang mga military detachment, Linggo ng hapon sa Barangay Tagbak, Indanan, Sulu.

Ayon kay Major General Corleto Vinluan Jr., Commander ng Joint Task Force (JTF) Sulu, posibleng nagresulta sa maraming bilang ng patay ang suicide bombing kung hindi napigilan ng militar at nakapasok ang babaeng suicide bomber sa loob ng KM3 Detachment ng 35th Infantry Battalion sa nabatid na barangay.

Ayon kay Vinluan, alas-5:48 ng hapon isang babaeng Caucasian-looking at nakasuot ng abaya at nagkunwaring buntis ang pilit na pumapasok sa loob ng army detachment subalit dahil sa kahina-hinala ang kilos ay pinigil ito ng mga bantay na mga sundalo.

Agad na nagsagawa ng defensive position ang mga sundalo at sinigawan ang babaeng nakasuot ng abaya na huwag itong pumasok.

Maya-mayang konti ay sumabog na ang suspek at nagkagutay-gutay ang katawan nito, wala namang nasugatan o nasawi sa mga sundalo dahil nga hindi nakalapit ang suspek sa kampo ng militar.

Pinuri naman ni Vinluan ang mga sundalong nagbabantay ng kampo dahil kung hindi sa kanilang presence of mind ay posibleng naging madugo sana ang pag-atake ng nasabing suicide bomber.

Samantala, kinumpirma ni Western Mindanao Command chief Lt. General Cirilito Sobejana na babae ang suicide bomber sa naganap na pagpapasabog at nakatakda nang isailalim sa DNA test ang mga labi nito.

“Nakuha na rin natin ang paa, ulo at ang tsinelas. Pang-babae talaga, Caucasian-looking. Makikita ‘yan sa DNA testing,” pahayag ni Sobejana sa isang panayam.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?