89

Sep 13, 2019 @ 14:05
By

Suicide bomber dedo sa engkuwentro sa Sulu

Napatay sa bakbakan sa militar ang isa sa dalawang natitirang suicide bomber na inatasang magpasabog sa lalawigan ng Sulu, ayon sa ulat ng opisyal ng militar nitong Biyernes.

Kinilala ang napatay na suicide bomber na si Nanz Sawadjaan, nakababatang kapatid ni Tausug bomb maker Mundi Sawadjaan at pamangkin ni Abu Sayyaf Group (ASG) leader Hatib Hadjan Sawadjaan.

Dahil sa pagkakapatay kay Nanz, isa na lang umano ang hinahanap ng militar na suicide bomber na planong maghasik ng lagim sa Mindanao partikular sa Sulu, ayon kay Joint Task Force Sulu spokesperson Army Lt. Col. Gerald Monfort.

Ayon pa kay Monfort, napatay si Nanz noong Martes ng hapon matapos ang engkuwentro sa 41st Infantry Battalion at 64th Division Reconnasaince laban sa tinatayang 40 miyembro ng ASG na pinamumunuan nina Almujer Yadah, Ben Tattoh at Apo Mike sa Sitio Tubig Pansol, Barangay Langhub sa nabatid na lalawigan.

Matatandaang una nang sinabi ni Western Mindanao Command commander Lt. Gen. Cirilito Sobejana na limang teroristang suicide bomber ang nakatakdang magsagawa ng bomb attack sa Sulu.

Tatlo na sa mga ito ang nakapagsagawa ng pag-atake kabilang ang unang Pilipinong suicide bomber na si Norman Lasuca kung saan inatake nito ang tactical command post ng 1st Brigade Combat team ng Philippine Army sa Indanan, Sulu noong Hunyo 28 ng taong ito, anim ang nasawi sa nasabing pambobomba.

Nitong Setyembre 8 naman ay isang babaeng Caucasian-looking na nakasuot ng abaya ang nagpasabog ng sarili bago pa man ito makapasok sa isa pang military detachment. Bukod sa suicide bomber ay walang naitalang casualty sa pangyayari dahil sa maagap na pagharang ng mga bantay na sundalo sa nabatid na kampo.

Enero 27 naman nitong taong din nang maganap ang twin bombing sa Jolo cathedral na ikinasawi ng kulang sa 30 katao at ikinasugat ng aabot sa 100 iba pa.

Nabatid na mag-asawang banyagang suicide bomber ang may kagagawan sa pag-atake sa nabatid na simbahan.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?