22

By

SUCs pinagsasauli ng tuition, miscellaneous fees

Iginiit ni Senador Bam Aquino sa mga state university at state college (SUCs) na magsauli ng siningil na tuition at miscellaneous fees mula sa kanilang mga estudyante ngayong ikalawang semestre ng school. year 2017-2018.

Idiniin nito na hindi na dapat pinagbayad ang mga estudyante dahil umiiral na ang Republic Act 10931 o ang Universal Access to Quality Tertiary Education Act, tinatawag ding Free Tuition Law.

Noong nilikha ng dalawang kapulungan ng Kongreso ang batas ng nakaraang taon, maliwanag umano ang intensiyon na uumpisahan itong ipatupad ng Nobyembre 2017, sakto sa ikalawang semestre.

Ipinaloob na rin sa pambansang badyet ngayong taon ang P41 bilyon para sa tuition at miscellaneous fees sa SUCs.

Sa impormasyon ni Aquino, may ilang SUCs na hindi na nangolekta ng mga ito pero marami pa ring nagpabayad sa mga estudyante.

Kaugnay nito, pinakikilos ni Aquino ang Commission on Higher Education (CHED) para pagsabihan na ang lahat ng SUCs ukol dito.

Isa umano ito sa mga pangsalo ng gobyerno ngayong mataas ang mga bilihin at bayarin sa mga produkto at serbisyo dahil sa Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law kaya dapat apurahin ang pagpapatupad nito.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?