165

Jan 1, 2018 @ 14:54
By

Subway project aarangkada na ngayong 2018

Inaasahang sisimulan na ang unang phase ng underground subway project sa Metro Manila ngayong pagpasok ng 2018.

Sinabi ni Presidential Communications Operations Office (PCOO) secretary Martin Andanar, pangungunahan ng Department of Transportation ang proyekto sa tulong ng gobyerno ng Japan.

Magtatatag aniya ng isang railway institute na magiging training center para sa mga gagawa, at magmamantina ng mga railway sa Pilipinas.

“2018 ay ine-expect ho natin na magki-kick off na ho iyong first phase ng underground or subway project dito po sa Metro Manila na pangungunahan ng DOTr at in cooperation with japanese government,”ani Andanar.

Gayonman hindi masabi ng kalihim kung anong quarter ilalarga ang proyekto pero tinitiyak niyang mangyayari ito ngayong 2018.

Ang itatayong railway institute ayon pa kay Andanar ay kasama sa napag-usapan nina Pangulong Rodrigo Duterte at Japanese Prime Minister Shinzo Abe noong Nobyembre sa 31st ASEAN summit bilateral meeting ng mga ito.

Sinabi pa ng kalihim na ngayong 2018 ay aarangkada na ang ekonomiya dahil magsisimula na ang Dutertenomics dahil sa mga gagawing railway projects, mga tulay at diversion roads na nakalinya sa mga plano ng gobyerno ngayong 2018.

“Aarangkada po iyong ating GDP at ekonomiya by 2018 dahil iyong mga napag-usapan po na mga major infrastructure projects or big ticket infrastructure projects sa ilalim ng Dutertenomics at build, build, build ay magsisimula ngayong 2018. And this will trickle down to the masses sapagkat ito po ay maglilikha ng maraming trabaho,” dagdag pa ni Andanar. (Aileen Taliping)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?