20

Jun 24, 2022 @ 18:38
By

Substitusyon ni Guanzon hindi unethical

Wala umanong unethical na nangyari sa ginawang substitusyon ni dating Commission on Elections (Comelec) Commissioner Rowena Guanzon bilang nominee ng P3PWD party-list.

Sa panayam sa telebisyon ngayong Biyernes, sinabi ni Guanzon na hindi ipinagbabawal sa ilalim ng party-list law ang pag-substitute sa nominee kung mayroong bakante.

“There’s no ethical issue here. I was not the commissioner who granted the registration of P3PWD. It was in the second division of Commissioner Socorro Inting, now the acting chair,” sabi ni Guanzon.

Sinabi ni Guanzon na hindi umabot sa Comelec en banc ang usapin ng pagrerehistro sa P3PWD dahil naibigay na ito sa dibisyon pa lamang.

Si Guanzon ay naging commissioner ng Comelec mula 2015 hanggang 2022.

Matapos ang halalan ay nagbitiw ang limang nominee ng P3PWD party-list na nagbigay daan upang makapasok si Guanzon na naging unang nominee.

Nanalo ng isang upuan ang P3PWD at noong Huwebes ay nanumpa na ito sa tungkulin bilang miyembro ng 19th Congress.

Kinuwestyon ng Duterte Youth party-list ang substitusyon ni Guanzon. Ibinasura naman ito ng Comelec noong Huwebes. Mayroon ring inihaing petisyon sa Korte Suprema ang Duterte Youth party-list.

Naniniwala si Guanzon na ibabasura ito ng SC. Kung nais umano ng Duterte Youth ay dalhin nila ang kaso sa House of Representatives Electoral Tribunal.

Ipinunto rin ni Guanzon na ang substitusyon ng nominee ay hindi na bago at binanggit ang mga kaso ng MARINO, Anakalusugan at SAGIP party-list groups.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?