65
hanjin
By

Subcontractor sa Hanjin shipyard, sinuspinde ng DOLE dahil sa aksidente

Sharing is caring!

Ipinahihinto ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang trabaho ng mga manggagawa ng isang subcontractor sa shipyard ng Hanjin Heavy Industries Corporation Philippines sa Subic, Zambales.

Ito ay makaraan ang aksidente sa shipyard kung saan isang manggagawa ang namatay habang tatlong iba pa ang sugatan.

Inilabas ng DOLE ang Work Stoppage Order (WSO) sa Binictican I-Tech Corporation, subcontractor ng Hanjin, base sa resulta ng Accident Investigation sa insidente na naganap noong Sabado ng hapon.

Ang insidente ay pormal na ipinaalam ni DOLE-3 Regional Director Ma. Zenaida Angara-Campita kay Labor Secretary Silvestre Bello.

“On May 12, around 3:30 in the afternoon, four workers fell from a scaffolding after suddenly tipping down. Prior to the incident, at least 9 workers were on the said scaffolding shaded by a blue canvass for their protection from the heat of the sun while taking their break,” saad ni Campita.

Kaagad namang dinala ang mga manggagawang naaksidente sa pinakamalapit na ospital.

Pero dahil sa tinamong pinsala sa internal organ, binawian ng buhay ang manggagawang si Ferdinand Leuterio.

Base naman sa ulat ng Technical Safety Inspectors (TSI), maaring bumigay ang scaffholding nang mawalan ng balanse dahil sa bigat ng mga manggagawa, mga materyales at mga kagamitan.

Gayunman, dalawang manggagawa lamang umano ang otorisadong magtrabaho sa nasabing lugar, at nadiskubre rin na may pinsala na ang bracket ng scaffolding.

Dahil dito, sinabi ni Campita na batay sa kanilang imbestigasyon, nabigo ang contractor na ipatupad ang safety procedures.

“Clearly, there was an unsafe working condition because of an overload of workers and their equipment on the scaffolding, causing its sudden collapse. Aside from this, unsafe acts were also observed because of at workers’ failure to use safety harnesses, as well as their supervisor’s failure to control them on the adherence to safety practices,” giit ni Campita.

Bunsod nito, mananatili umano ang WSO hanggang hindi nakakatalima nang buo ang Binictican I-Tech sa occupational safety and health standards.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?