75
abu
May 11, 2018 @ 19:32
By

Sub-leader ng Abu Sayyaf, 2 pang miyembro sumuko sa marines

Nagtungo sa militar ang isa sa sub-leader ng Abu Sayyaf Group (ASG) at dalawa pa nitong miyembro sa Brgy. Ipil, Maimbung, Sulu kahapon.

Ayon kay Philippine Marines Spokesperson Captain Maria Rowena Dalmacio, ang mga sumukong miyembro ng ASG ay sina sub-leader Berham Lutian, alyas Vietnam; Abdulsalam Ajul, alyas Rambo; at Ahmajir Ahmad, alyas Abu Darda.

Isinuko rin ng mga bandido ang kanilang mga armas partikular ang dalawang M16 at isang M79 grenade launcher na may magazine at ammunitions.

Inihayag pa ni Dalmacio, ang sumukong si alyas Abu Darda ay dating tauhan ng nasawing ASG sub-leader na si Commander Robot.

Agad na dinala sa Camp Bautista Station Hospital ang tatlong bandidong sumuko para sa medical check-up at itinurn-over din agad sa Joint Task Force Sulu.

Binigyan din sila ng ilang sako ng bigas at groceries at isinama sa Comprehensive Livelihood Integration Program ng militar at local government ng Sulu.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?