47

By

Suarez, magre-resign kapag may natukoy na request niya sa Road Board

Hinamon ni House Minority Leader Danilo Suarez si Budget Secretary Benjamin Diokno na magpangalan ng isang proyekto na inihirit niya ng pondo mula sa kontrobersyal na Road Board.

Sabi ni Suarez, handa siyang magbitiw kapag merong natukoy si Diokno.

Ginawa nito ang pahayag matapos siyang pangalanan ni Diokno bilang isa sa mga kongresista na umano’y nangungumusta sa road user’s tax.

“Meron pa siyang [Diokno] sinabi na andami ko raw ni-request sa Road Board… sabi ko pakitaan mo ako ng isa at magre-resign ako bilang congressman. Show me one,” hamon ni Suarez.

Para kay Suarez, isa sa mga may-akda ng panukala na lumikha sa Road Board, hindi na dapat kinakaladkad sa isyu ang ahensya dahil maganda ng intensiyon nito.

“Kasi bigla nilang pinasok ang Road Board e wala naman talagang kamuwang-muwang sa usap na ito e. Ang galing nilang mag-divert. Ngayon ang pinag-uusapan na ay Road Board.”

Ang Road Board ang nangangasiwa ng koleksyon mula sa Motor Vehicle User’s Charge, na dapat ay napupunta sa road maintenance, road drainage improvement, pagkakabit ng traffic lights at road safety devices, gayundin sa air pollution control.

Nanindigan si Suarez na naging kontrobersyal lamang ang Road Board dahil sa ilang dating mga lider na humihingi ng malaking halaga sa ahensya para magamit bilang “parked funds” para sa kanilang mga proyekto.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?