155
Suarez kay Alvarez: Sinuhulan mo ba kami noong naging Speaker ka?
May 30, 2019 @ 15:16

Suarez kay Alvarez: Sinuhulan mo ba kami noong naging Speaker ka?

JOHN CARLO M. CAHINHINAN

MANILA – Kinuwestiyon ni House Minority Floor Leader Danilo Suarez (Quezon Province) si dating House Speaker at reelected Davao del Norte Rep. Pantaleon Alvarez kung siya ba ay nagtangkang manuhol ng kanyang mga kasamahan noong siya’y unang nahalal bilang pinuno ng Mababang Kapulungan noong 2016.

Ginawa ni Suarez ang pahayag sa likod ng akusasyon na ibinabato ni Alvarez na may dalawang kandidato sa pagka-Speaker ang umano’y namimigay ng malaking halaga sa bawat kongresista upang sila ang suportahan sa kani-kanilang mga kampanya sa loob ng Kamara.

Paliwanag ni Suarez, bukod sa dapat umanong pangalanan ng kongresista mula Davao del Norte ang kanyang mga binabanggit na kapwa mambabatas na nagpapamudmod umano ng milyones para sa umiinit na Speakership race ay dapat din umano niyang ilantad kung ginawa niya rin ba ang nasabing taktika dahil siya din ay nahalal na dati sa liderato ng Mababang Kapulungan.

“Naging speaker (na) siya (dati)… (bakit noon), namili ba siya?” saad ni Suarez.

Una nang sinabi ni Alvarez na may isang kongresista na nag-aalok ng P500,000 sa bawat miyembro ng papasok na 18th Congress upang siya ang suportahan bilang susunod na pinuno nito.

Dagdag pa ni Alvarez, may isa pa umanong perennial contender sa Speakership race ang nagpapamudmod naman ng aabot sa P1 milyon bawat mambabatas, makuha lamang ang liderato ng Kamara.

Giit ni Suarez, nakakainsulto umano para sa buong Kongreso ang pahayag ni Alvarez tungkol sa umano’y vote buying ng ilang nag-aambisyon na sungkitin ang liderato ng nasabing ahensya dahil tila ba nagiging pera-pera na lang ang labanan upang maging Speaker.

“Nakakasira naman sa House na sasabihin nabibili ang boto,” sentimyento ni Suarez.

Hirit pa ni Suarez, siya na mismong nakalaban ni Alvarez noong July 2016 para sa liderato ng Kamara ay walang natanggap kahit ni isang kusing mula sa dating lider ng Kamara.

Wala din umanong isyu ng suhulan noong si pinalitan si Alvarez ni dating Pangulo at outgoing House Speaker Gloria Macapagal Arroyo matapos ang matagumpay na kudeta sa liderato ng Kamara noong Hulyo 2018.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?