23

Jan 4, 2021 @ 11:44
By

Striktohan na! Mga nagpapalusot sa travel ban ipasagasa sa eroplano – Go

Dapat walang exemption sa pagpapatupad ng travel restriction kasunod ng pagpasok ng bagong coronavirus variant sa ibang mga bansa, ayon kay Senador Christopher “Bong” Go.
Ginawa ng senador ang pahayag kasunod ng ulat na may ilang indibidwal ang nagtakang tumalima sa panuntunan na ipinapataw ng pamahalaan sa mga traveler.
“Mayroong balita na may iilang humihingi ng exemption sa travel ban o sa quarantine measures. Huwag niyo unahin ang sarili ninyo, unahin niyo ang kapakanan ng nakararami,” pahayag ni Go sa isang statement.
“Kinausap ko ang Pangulo at magbibigay siya ng babala. May nag-report sa amin na gusto lumusot sa quarantine. Kung may mapatunayan na korap o nagpapalusot, dapat pasagasaan kayo ng eroplano!” dagdag pa nito.
Ayon sa dating aide ni Pangulong Duterte, dapat pa ring sumunod ang publiko sa health protocoal na ipinapatupad ng gobyerno tulad ng pagsusuot ng face mask at pag-observe sa social distancing para maiwasan ang pagkalat ng sakit na ito.
Nanawagan din ito sa mga awtoridad na ipagpatuloy lang implementasyon ng travel restriction at maging mahigpit sa pagpapatupad ng health protocal para mapigilan ang pagpasok na bagong uri ng virus sa bansa.
“Kailangang regularly ma-review ang mga patakarang ipinapatupad natin. Huwag natin hayaan maunahan pa tayo ng pagkalat ng sakit,” sabi ni Go.
“Kung may balita na may new strain na sa bansang iyon, idagdag na dapat agad sa travel ban. Striktohan na. The stricter, the better, dapat laging handa tayo. Mas mabuting una na tayo,” saad pa nito.
Nauna nang napabalita na ang bagong COVID-19 strain na pinangalanang B.1.1.7 ay kumalat na sa 34 bansa mula sa inisyal na 21 lamang.
“Habang ginagawa natin ang lahat para malampasan ang krisis at mabigyan ng ligtas na bakuna ang mga kababayan natin, gawin rin natin ang lahat ng ating makakaya para hindi na dumagdag sa problema natin ang bagong strain ng COVID-19,” ayon sa mambabatas.
“Sobra na ang sakit ng ulo ng mga Pilipino, ayokong madagdagan pa ang sakit ng ulo natin. Hindi pa nga tayo natapos sa problemang ito, hindi pa nga natin nakukuha ang bakuna para sa naunang variant, may panibagong strain pa, panibagong sakit ng ulo nanaman,” diin nito. (Dindo Matining)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?