68

May 4, 2020 @ 11:19
By

Stranded na Chinese sa NAIA, ninakawan ng batang hamog

Napag-tripan ng mga batang hamog ang isang Chinese na mula noong Marso pa stranded sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1.

Sa report sa dzMM, isang Chinese umano ang lumabas ng NAIA para maghanap ng pansalmantalang matutuluyan lalo pa’t wala nang mga flight sa nasabing paliparan dahil sa COVID-19 pandemic.

Ayon sa Chinese, nang siya’y lumabas ay nanakaw naman ang kanyang cellphone ng mga batang hamog kaya’t hindi makatawag sa Chinese Embassy gayundin sa kanyang mga kamag-anak para humingi ng tulong.

Bukod pa dito ay 15 pang indibiduwal na iba’t iba ang lahi ang na-stranded sa NAIA Terminal 1.

Pinoproblema ngayon ng mga stranded na pasahero kung saan makakakuha ng pagkain dahil hindi pa tiyak kung magsasara ang mga fast food sa loob ng airport dahil suspendido ang operasyon ng mga flight simula Mayo 3.

Isa namang Dutch national ang dumulog sa dzMM para makakuha ng kanyang maintenance na gamit dahil ubos na ito.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?