22

Jun 29, 2020 @ 12:45
By

Stimulus package gamitin sa pagpreserba ng trabaho – senador

Kailangan maglaan ang gobyerno na pondo sa labor market para matiyak na maipipreserba ang trabaho ng karamihan sa mga Pilipino sa gitna ng record-breaking na unemployment rate sa bansa dahil sa epekto ng pandemyang COVID-19.

Ginawa ni Senador Sherwin Gatchalian ang apelang ito matapos pumalo sa all-time high 17.7 ang unemployment rate sa bansa nitong Abril 2020.

Nauna nang iniulat ng Philippine Statistics Authority (PSA) na may 7.3 milyong walang trabaho sa bansa nitong Abril.

Pinakamataas aniyang nawalan ng trabaho ay ang Bangsamoro Administrative Region in Muslim Mindanao (29.8%), na sinundan ng ng Central Luzon (27.3%) at Cordillera Administrative Region (25.3%).

Pagdating sa subsector, ang pinakamalaking bawasan ng trabaho ay sa arts, entertainment at recreation (54%), na sinundan ng electricity, gas, steam at air conditioning supply (43.15) at information and technology (40.6%).

Ayon sa vice chairman ng Senate economic affairs committee, pinagdedebatehan ngayon kung anong stimulus package ang uunahin sa ilalim ng Bayanihan to Recover as One Act.

Nangako si Gatchalian na kanyang ipaglalaban ang malaking stimulus package na magtitiyak para sa preservation ng trabaho para sa milyong mga Pilipino.

Sa pagtataya nito, sinabi niyang kakailangan ng gobyerno ng P301 bilyon para makabuo ng direct at indirect jobs para sa mga naapektuhan ng COVID-19.

“Sa akin, iisa lang ang dapat tutukan ng stimulus package at ito yung job preservation. Kung itong pandemiyang ito ay tatagal, mahalaga na mapanatili ng milyong-milyong manggagawa ang kanilang trabaho,” sabi ng senador.

“Kung ang isang kumpanya ay wala namang kinikita, dito ngayon papasok ang ating gobyerno. Ang gobyerno ang tutulong sa mga kumpanya upang mapanatili ang kanilang mga empleyado.”

“Importante na makatawid tayo hanggang maging normal ang ating sitwasyon. Importante ngayon na ang mga empleyado ay manatili sa kanilang pinagtatrabahuhan,” dagdag pa niya.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?