100

Nov 2, 2019 @ 12:52
By

Steph Curry 3-buwang pahinga

Out na rin sa Golden State si Stephen Curry, sinamahan ang kanyang Splash Brother na si Klay Thompson sa sidelines.

Nabalian ng kaliwang kamay ang two-time MVP sa 121-110 loss ng Warriors sa Phoenix nitong Miyerkoles. Nag-drive siya, umere at sinalubong ni Suns big man Aron Baynes. Nagkasabitan, una-ulo na bumagsak si Curry at tinukod ang kaliwang kamay pero nadaganan ni Baynes.

Sumailalim sa CT scan si Curry at base sa resulta ay tatlong buwan kailangang magpahinga ng dating NBA MVP.

Si Thompson ay posibleng ‘di na makalaro sa buong regular season habang nagpapagaling mula ACL injury.

Noong May, puro All-Stars ang starters ng Warriors. Sa pangalawang linggo ng 2019-20 season, puro mga bata na halos hindi kilala na ang naiwan sa lineup.

Siyam sa roster ang edad 23 pababa. Si Curry ang pinakamatanda sa 31.

Sa umpisa ng season, may Curry, Draymond Green at Kevon Looney pa sila.

Ngayon, injured sina Curry at Looney, may iniinda ring pananakit ng likod si Green at inumpisahan ng Golden State ang kampanya sa 1-3.

“It’s been a tough start for us on many levels, so we’re just trying to find our footing,” ani coach Steve Kerr. “This puts us in a tough spot, so we’ll assess it and go from there.”

Ang dating dominanteng team, pinagpupustahan na ngayon kung aabot ng playoffs sa loaded Western Conference.

Kung may positibo sa nangyari kay Curry, ‘yun ang post ng larawan niya sa Instagram, may bandage ang kamay pero nakangiti at may caption na “Appreciate all the love/texts/support all that … Be back soon!”

Habang wala si Curry, ang bagong acquisition na si D’Angelo Russell ang magiging lider ng Warriors.

Dalawang players ni Kerr ang nakabalik mula injuries nitong Miyerkoles, nag-debut sa season sina center Willie Cauley-Stein at guard Alex Burks.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?