22

Sep 10, 2021 @ 22:02
By

State of calamity sa buong bansa pinalawig

Pinalawig ni Pangulong Rodrigo Duterte ang state of calamity sa buong bansa dahil sa patuloy na pag-atake ng COVID-19 sa mga Pilipino.

Batay sa Proclamation No. 1218 na pinirmahan ng Pangulo ngayong September 10, pinalawig pa ng hanggang September 12, 2022 ang state of calamity sa buong bansa.

Naunang idineklara ang state of calamity dahil sa COVID-19 noong March 16, 2020 ng hanggang anim na buwan, subalit noong September 16, 2020 ay in-extend ito ng hanggang September 12, 2021.

Dahil sa patuloy na pagtaas ng mga kaso ng COVID-19 sa buong bansa at pagdami ng mga namamatay ay nagpasya ang Malacañang na muling palawigin ang state of calamity hanggang sa Setyembre ng susunod na taon.

Sa ilalim ng proklamasyon, inaatasan ang lahat ng ahensiya ng pamahalaan at local government units na magkapit-bisig at magtulungan para mawala ang banta ng COVID-19.

Lahat ng law enforcement agencies at suporta ng Armed Forces of the Philippines ay inaatasang ipagpatuloy ang nasimulang mga hakbang para matiyak ang kaayusan at kapayapaan sa mga lugar na apektado ng pandemya.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?