150

Oct 24, 2017 @ 12:13

Standhardinger ‘excused’ sa draft combine

Absent si top prospect Christian Standhardinger sa Day 1 ng 2017 PBA Draft Combine sa Gatorade Hoops Center sa Mandaluyong kahapon.

Nasa Hong Kong pa raw si Standhardinger, nakiki-ensayo sa team niya sa Asean Basketball League.

Maayos naman daw na nagpasabi si Standhardinger sa PBA, ayon kay PBA external affairs and communications head Willie Marcial.

“Nagpaalam siya kay Comm (Commissioner Chito Narvasa). Pinayagan naman kaya excused siya,” ani Marcial.

Naroon ang mga ibang inaasahan ding mahuhugot sa top 5, kundi man sa first round, ng PBA Draft sa Oct. 29 sa Robinsons Manila. Kabilang dito sina dating UAAP standouts Kiefer Ravena ng Ateneo, Jeron Teng ng La Salle, teammate niyang si Jason Perkins at si Ray Mar Jose ng FEU, galing NCAA sina Rey Nambatac ng Letran, Davon Potts ng San Beda, at Sidney Onwubere ng EAC.

Hindi lang naman daw si Standhardinger ang pinagbigyan.

“Hindi lang siya ang excused, may iba pang nagpaalam kay Comm na may mga aasikasuhing papers o docs (documents) nila at pinayagan naman,” dagdag ni Marcial.

Matunog ang pangalan ni 6-foot-8 Fil-German Standhardinger bilang top pick. Kia ang may hawak ng No. 1 pick, pero napaulat na nai-trade na nila ito sa San Miguel Beer.

Sa unang order ng draft sa first round, No. 1 ang Kia (noong hindi pa nai-trade), sunod ang NLEX, Blackwater, Phoenix, GlobalPort, Alaska, Rain or Shine, Star, TNT, SMB, Meralco at Ginebra.

Nakilala si Standhardinger nang maglaro sa Gilas sa FIBA Asia Cup sa Lebanon at sa SEA Games sa Malaysia nitong August. (Ramil Cruz)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?