19

Oct 19, 2020 @ 16:40
By

Staggered work shift sa mga pribadong kompanya iminungkahi

Hinikayat ng Department of Trade and Industry (DTI) ang mga pribadong kompanya na magpatupad ng maraming shift sa trabaho para maiwasan ang peligrong magkahawaan ang kanilang mga manggagawa.

Sa Laging Handa press briefing, sinabi ni DTI Secretary Ramon Lopez na mag-iisyu sila ng guidelines para sa mga pribadong kompanya kung paano maipatupad ang staggered schedule ng kanilang mga empleyado.

Binigyang-diin ni Lopez na iniiwasan ng gobyerno na magsabay-sabay ang mga manggagawa sa pagpasok sa trabaho at para maiwasan din ang peligro sa kanilang biyahe lalo na ang mga sumasakay sa mga pampublikong transportasyon.

“Ipapalabas ang memorandum circular sa mga kompanya para i-apply ang iba’t ibang work hours,” ani Lopez.

Halimbawa, ani Lopez, may magsisimula ng alas-10 ng umaga, mayroong alas-8 at iba pang oras para matiyak lamang na hindi magsasabay-sabay sa pagpasok ang mga empleyado para na rin hindi magsabay-sabay sa pagsakay sa mga pampublikong sasakyan.

“May magsisimula ng 7 a.m., mayroong 8 a.m, so on and so forth, para kumalat ang office hours or passengers,” dagdag ni Lopez.

Matatandaang matapos magpatupad ng lockdown ang gobyerno dahil sa COVID pandemic ay maraming mga manggagawa ang nag-work from home para makaiwas sa peligro ng COVID-19.

Sinabi ni Lopez na ngayong unti-unting niluluwagan ang mga paghihigpit ay mas maraming mga manggagawa na ang maaaring pumasok sa opisina pero kailangan pa ring matiyak ang kaligtasan ng mga ito laban sa COVID-19.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?