464

Aug 26, 2019 @ 16:57
By

Staff ni Allan K nagpaalam sa FB bago nagbigti

Nagpaalam muna sa kanyang Facebook account ang isang sinasabing empleyado ng komedyante at TV host ng Eat Bulaga na si Allan K bago ito natagpuang nakabigti sa loob ng nirerentahang kuwarto sa Quezon City, Linggo ng gabi, Agosto 25.

Kinilala ni PLt. Nick S. Fontanilla ng Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU) ng Quezon City Police District (QCPD) ang biktima na si Jerwin, waiter ng isang comedy bar sa nasabing lungsod.

Sa inisyal na imbestigasyon ni CIDU-QCPD PSSgt. Jerome Dollente, dakong alas-8:30 ng gabi nang madiskubre ang nakabigting katawan ng waiter sa loob ng kanyang nirerentahang silid.

Ayon sa pahayag ni Jay, kapatid ng biktima, bago ang insidente ay nag-post pa umano si Jerwin sa kanyang Facebook ng ‘GOODBYE EVERYONE THANKS.’

Dahil dito ay agad na tinawagan ni Jay ang kanyang kapatid subalit hindi na umano ito sumasagot sa cellphone kaya minabuti na niyang puntahan sa nirerentahan nitong kuwarto sa nasabing barangay.

Makailang ulit umano siyang kumatok sa pintuan ng silid nito pero walang nagbubukas kaya humingi na siya ng tulong kay kagawad Armando Garrido.

Nang puwersahang nabuksan ang pintuan ng nirerentahang silid ay bumungad kay Jay at sa kagawad ang nakabigting katawan ng biktima sa kisame kaya agad nilang inulat sa pulisya ang insidente.

Inaalam pa ng mga awtoridad ang motibo sa pagpapakamatay ng biktima.

Nabatid na pag-aari umano ni Allan K ang bar na pinagtatrabahuhan ng biktima.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?