107

Oct 31, 2017 @ 17:00

Staff ni Abella sa OPS, hindi muna aalisin ni Roque

May pagkakataon pang mag-Pasko sa Malacañang ang mga opisyal at staff sa binakanteng tanggapan ni Presidential Spokesman Ernesto Abella.

Ito’y makaraang ihayag ni incoming Presidential Spokesman Harry Roque na  hindi muna  siya  magpapatupad ng pagbabago hanggang sa  matapos ang Kapaskuhan.

Ayon kay Roque, mananatili muna ang mga staff ni Abella hanggang sa matapos ang transition o pagsasalin ng trabaho sa Office of the Presidential Spokesperson (OPS).

Hahayaan aniya muna nitong makapag-Pasko at matanggap ng mga empleyado ng OPS ang  kanilang  13th month pay at mga bonus kung meron man para masaya pa rin ang kanilang holiday season.

 “I’d like to absorb first the staff of (Undersecretary) Abella until the transition. I mean come on it’s Christmas so let it be. Let them get their 13th month pay and let them get whatever bonuses they can get,” ang pahayag ni Roque.

Sa ilalim ng OPS, may mga undersecretary at assistant secretary na posibleng maapektuhan ng transition kasama na ang ilang staff na bitbit ni Abella mula sa Davao City.

Sa Nobyembre 6 pa opisyal na manunumpa si Roque sa kanyang bagong puwesto at opisyal na magsisimula bilang presidential spokesperson ni Pangulong Rodrigo Duterte. (Aileen Taliping)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?