261

Mar 6, 2019 @ 13:57
By

SSS President Dooc nagbitiw sa pwesto

Nagbitiw sa puwesto ang Presidente ng Social Security System (SSS) na si Emmanuel Dooc na siya ring Chief Executive Officer ng SSS Pension Fund.

Sa kanyang resignation letter na ipinadala sa Office of the President, sinabi ni Dooc na boluntaryo siyang bababa sa puwesto para bigyan ng pagkakataon si Pangulong Rodrigo Duterte na makapili at makapagtalaga ng bagong President at CEO ng SSS.

Hindi tinukoy ng opisyal ang dahilan ng kanyang irrevocable resignation sa puwesto na nagtagal ng mahigit dalawang taon matapos hirangin ng Pangulo noong November 2016.

Pinasalamatan ni Dooc ang Pangulo sa pagkakataong ibinigay sa kanya para magsilbi sa SSS gayondin ang mga kasamahan sa suporta at kooperasyon ng mga ito.

Sa loob ng pangangasiwa ni Dooc sa SSS ay nakapagtala ang ahensiya ng pinakamataas na kuleksiyon mula sa kontribusyon ng mga miyembro na umabot sa P181 billion noong 2018, mula sa 132 billion noong 2015.

Nagawa ring mahabol ng SSS ang mga delingkuwenteng miyembro at employers na hindi naghuhulog ng kanilang kontribusyon at hindi nagbayad ng kanilang loan o utang, at sa ilalim din ni Dooc naipatupad ang P1,000 dagdag pension sa mga SSS pensioners noong 2017.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?