24

Jan 10, 2022 @ 18:26
By

SSS pautang puwede sa mga binagyo ni `Odette’

Magbubukas ng calamity loan assistance program (CLAP) at pautang para sa pagpapaayos ng mga bahay ang Social Security System (SSS) simula sa Biyernes, Enero 14, para sa kanilang mga miyembro na sinalanta ng bagyong `Odette’.

Sabi ni SSS president at chief executive officer Aurora Ignacio, bubuksan ang pautang para sa mga miyembro nila na nakatira sa Mimaropa, Western Visayas, Central Visayas, Eastern Visayas, Northern Mindanao, Caraga at iba pang lugar na dineklarang nasa state of calamity ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) dahil sa bagyo.

Ayon sa SSS, ang mga pensioner nila na apektado ng bagyo ay maaari rin mag-advance ng tatlong buwan na pensiyon.

Ang CLAP at advance na pensiyon ay bubuksan hanggang Abril 13, 2022 samantalang hanggang isang taon bukas ang pautang para sa pagpapaayos ng mga bahay.

Sa ilalim ng CLAP, maaring makautang ng isang buwang suweldo ang miyembro basta nakapaghulog na ito ng 36 buwan at residente ng lugar na sinalanta ng bagyo.

Hindi rin dapat nakatanggap ng final benefit ang miyembro tulad ng total disability o retirement at wala itong outstanding na utang.

Babayaran ang utang sa loob ng 24 buwan at may interes na 10% kada taon.

Hanggang P1 milyon naman ang mauutang sa direct house repair o improvement loan basta naka-24 na buwan nang hulog ang miyembro at hindi pa siya senior citizen. Nasa 8% ang interes nito kung P450,000 o mas mababa pa ang utang samantalang 9% ang interes kung hihigit sa P450,000.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?