816

Aug 27, 2019 @ 14:21
By

SSS monthly contribution ng mga OFW, kinuwestiyon sa SC

Dumulog na sa Korte Suprema ang grupo ng Migrante International at Makabayan Bloc ng Kamara upang kuwestyunin ang legalidad ng ilang probisyon ng Social Security Act of 2018.

Ang Social Security Act of 2018 ay nag-oobliga sa bawat overseas Filipino workers (OFW) na magbayad ng buong kontribusyon sa Social Security System (SSS).

Pormal na inihain sa Kataas-Taasang Hukuman ni Bayan Muna Party-list Chairman Neri Colmenares, OFW na si Feliza Benitez at ng Migrante International ang Petition for Certiorari and Prohibition na naglalayong mapawalang-bisa ang ilang probisyon sa ilalim ng Republic Act 11199, na nag-oobliga sa OFWs na magbayad ng montly contribution sa SSS bago sila payagang makaalis ng bansa.

Tumayong respondents sa petition ng grupo ay ang mga opisyal ng SSS, Department of Foreign Affairs, Department of Labor and Employment at Philippine Overseas Employment Agency.

Iginigiit ng mga petitioner na hindi makatarungan na sasaluhin nang buo ng bawat OFW ang P7,200 mandatory monthly contribution sa SSS.

Ang kinakailangan anila ngayon ay ang proteksyon ng mga OFW tulad ng mga ordinaryong manggagawa sa bansa kung saan may share ang kanilang employer sa buwanang kontribusyon sa SSS.

Giit din ng petitioners na ipasawalang-bisa ang ilang probisyon ng SSS na posibleng madehado ang OFWs sa benepisyong tinatamasa ng mga ordinaryong manggagawa sa bansa. (anne lorraine gamo)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?