169

Nov 1, 2017 @ 17:29

SSS executives na sangkot sa anomalya, ilagay sa HDO

Pinakikilos ni Quezon City Rep. Winston Castelo  ang Department of Justice (DOJ) para maglabas ng Immigration Lookout Bulletin Orders (ILBOs) para sa apat na matataas na opisyal ng Social Security System (SSS) na umanoy ginamit ang kanilang posisyon para sa personal na pakinabang.

Pinag-iniisyu ni Castelo ang DOJ ng ILBO dahil hindi pa nakasampa sa korte ang kaso sa mga opisyal para mapasailalim sila sa Hold Departure Order (HDO).

Iginiit ng kongresista na dapat bantayan para mapigilang tumakas sina Executive Vice President (EVP) for Investments Rizaldy Capulong, VP for Equities Investment Division Reginald Candelaria, Equities Product Development head Ernesto Francisco Jr, at Actuarial and Risk Management Division chief George Ongkeko Jr.

Pinatitiyak rin nito sa gobyerno na walang SSS contributions ang nagamit sa kuwestyonableng mga transaksiyon ng 4 na opisyal.

“It is hard to swallow that the SSS can’t find sources of funds to augment the monthly pension of its elderly members while some officials realize gains exploiting their positions,” ayon kay Castelo.

Pinuri naman ng kongresista si  SSS Commissioner Jose Gabriel La Viña dahil sa pagsiwalat nito sa umano’y iregularidad ng nasabing mga opisyal ng SSS at hinikayat ang iba pang nasa gobyerno na magsilbing watchdogs sa pondo ng pamahalaan.

Inireklamo ni La Viña sina Capulong, Candelaria, Francisco at Ongkeko ng “serious dishonesty” at “grave misconduct” dahil sa umano’y paggamit sa stockbrokers na namamahala ng SSS pension funda para sa trading ng sarili nilang stocks. (Pearl Serrano)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?