488
SSS employee todas sa suntok ng sekyu
Jul 5, 2019 @ 17:16
By

SSS employee todas sa suntok ng sekyu

Namatay ang 48-anyos na empleyado ng Social Security System (SSS) matapos na suntukin sa batok ng nakaalitang security guard sa isang pampasaherong bus at atakehin sa puso sa Quezon City, gabi ng Huwebes.

Kinilala ni P/Lt. Roldan T. Dapat ng Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU) ng Quezon City Police District (QCPD) ang biktima na si Robin Corpuz Rosales, 48, may asawa, empleyado ng SSS, at residente ng Blk 8, Lot 27, Soldiers Hills, Tala Caloocan City.

Agad namang naaresto ang suspek na nakilalang si Dionicio Luyas Dilubio, 23, binata, security guard ng Marban Security and Investigation Agency, Inc. at naninirahan sa Brgy. Addition Hills, Mandaluyong City.

Sa inisyal na imbestigasyon ni PCpl. Morshid D. Tanog, ng CIDU-QCPD, ang insidente ay naganap dakong alas-8: 30 ng gabi (July 4) sa Edsa Kamuning, kanto ng Kamias Road, Brgy. West Kamias, QC.

Sakay umano ng pampasaherong bus si Rosales kasama ang kaniyang misis na nakilalang si Leiya, nang magkabanggaan sila ng suspek na lulan rin sa nasabing bus na humantong sa suntukan ng dalawa at naawat lamang ng iba pang mga pasahero.

Naawat naman ang biktima at ang suspek hanggang sa bumaba ng bus si Rosales at ang misis nito subalit habang patungo sa Victory Liner terminal ay sinundan ito ni Dilubio at sinuntok sa batok.

Dahil dito ay tumumba ang biktima at nawalan ng malay kaya isinugod sa Philippine Heart Center at isinailalim sa bypass surgery subalit binawian din ng buhay dakong alas-9: 15 ng gabi, ayon kay Dr. Kevin Archie M. Ramos.

Ang suspek ay kaasalukuyang nakapiit sa QCPD habang inihahanda ang kasong murder na isasampa laban sa kaniya.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?