18

Jan 13, 2021 @ 15:29
By

SRP ng DTI pantasya lang – Imee Marcos

Mananatiling pantasya na lang ang mga suggested retail price o SRP sa pagkain na sana’y pinatutupad ng Department of Trade and Industry (DTI) dahil sa paglaganap ng sakit sa mga babuyan sa Luzon at sa maaaring pagtagal ng sobrang lamig na panahon sa mga taniman ng gulay sa Norte.

“Mahihirapan ang DTI na ipatupad ang mga SRP sa baboy at gulay dahil sa ‘di matapos-tapos na African Swine Fever (ASF) at pagyeyelo ng hamog sa mga taniman ng gulay lalo na sa Benguet,” ayon kay Senadora Imee Marcos, chair ng Senate committee on economic affairs.

Sabi ni Marcos, higit na maaapektuhan ang mga mahihirap na pamilya dahil “sesenta porsyento ng kanilang budget ay nakalaan sa pagkain.”

“Gumagapang na naman pataas ang presyo ng mga bilihin sa lebel na hindi natin nakikita mula Marso 2019. Ang presyo ng pagkain ang pinakamatimbang sa inflation rate ng bansa na umabot na sa 3.5% noong Disyembre,” saad nito.

Dahil dito, hinikayat naman ni Marcos ang Department of Agriculture na ibigay ang lahat ng suporta sa mga magbababoy at maggugulay sa Visayas at Mindanao habang sinisikap ng Luzon gawan ng paraan ang kakapusan sa pagkain at pagtaas ng presyo nito sa mga susunod na linggo.

“Asahan nang mananatili ang mataas na presyo ng mga bilihin. Ang gastusin sa sasakyan at sa tinatawag na cold-chain facilities para mapanatiling sariwa ang mga agri products mula sa Mindanao ay panibagong dagdag sa ipapataw na presyo pagdating sa Metro Manila at sa buong Luzon,” sabi ni Marcos.

“Wala pa ring bakuna para sa ASF, kaya dapat na magdoble-sikap ang DA para maiwasan ang problema ng kontaminasyon sa mga hog raiser, na karamiha’y mga backyard farmer na halos hindi nakakasunod sa animal health standards,” sambit pa nito.

Nitong Martes, tumaas ang presyo ng karne ng baboy sa Metro Manila mula P300 bago mag-Pasko at umaabot na ng P380 hanggang P400.

Pero mas mataas pa ang presyo nito sa mga supermarket na pumalo hanggang sa P417 kada kilo.

“Bagama’t maraming gulay ang bumaba ang presyo mula noong Nobyembre matapos ang sunod-suod na bagyo, patuloy na nagpapabaya ang DTI sa pagmomonitor ng SRP ng naturang mga produkto,” sabi pa ni Marcos.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?