36

Nov 24, 2021 @ 16:11
By

S&R ni Lucio Co inatake ng mga hacker

Inamin kahapon ng S&R ni Lucio Co na inatake ito ng mga hacker at maaaring nakompromiso ang detalye ng mga miyembro nito.

Ang S&R ay bahagi ng Puregold Price Club Inc. ngunit tanging mga miyembro lamang ang nakakapamili sa mala-warehouse na tindahan nito at karamihan sa binibenta rito ay mga brand na imported sa Estados Unidos.

Ayon sa National Privacy Commission (NPC), nagsumite sa kanila ng report ang S&R tungkol sa pag-atake dito ng mga hacker noong Nobyembre 15 at kasalukuyang pinag-aaralan ng komisyon ang mga dokumento.

May 22 shop ang S&R at 12 nito ay nasa Metro Manila. Mayayaman ang karamihan sa mga namimili dito na bultohan kung mamili.

Ayon sa S&R, hindi naman nakompromiso ang mga credit card at iba pang financial information ng mga miyembro nito dahil encrypted ang mga ito at pinagtitibay ng kompanya ang IT system.

Sa kabila nito, nabahala ang netizen na si Angela Louise Trinidad dahil malaking bagay pa rin aniya kapag nakuha ang contact details ng mga tao.

“This is a huge breach of data! Contact numbers is a big deal! They can still be used as identifiers,” sabi ni Trinidad.

Ganoon din ang pakiramdam ng netizen na si Jun Callueng at sinabi na hindi dapat minamaliit ng kompanya ang pangyayari.

“Contact information is still important data don’t downplay it,” sabi ni Callueng.

Kamakailan lang, naglabas ng babala ang NPC sa publiko laban sa mga lumalaganap na `smishing’ scam kung saan pinadadalhan ng text o SMS ang mga tao para paalalahanan na huwag i-click iyon upang maiwasang makompromiso ang kanilang mga detalye at gamitin pa sa ibang scam.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?
Tags: , ,