11

May 4, 2021 @ 21:50
By

Sputnik V pinilahan sa Parañaque

Kung itutulad sa pelikula, maituturing umanong ‘blockbuster’ ang pilot rollout ng bakunang Sputnik V sa Parañaque City.

Sa press briefing sa Malacañang, sinabi ni vaccine czar secretary Carlito Galvez na mainit na tinanggap ng mga taga-Parañaque ang bakunang nagmula sa Russia dahil pinilahan ang rollout nito Martes.

Kinailangan pa aniyang magpadala ng dagdag na batch ng Sputnik V supply dahil marami ang pumila para maturukan ng nabanggit na bakuna.

“We can say this is a very successful one. We are very happy that the uptake of Sputnik V is so high na iyong supposed to be 1,000 lang yung ide-deliver natin ngayon, we need to have an emergency storage ng another batches kasi nakita namin na talagang overwhelming iyong reception ng mga taga-Parañaque,” ani Galvez.

Bukod dito anang kalihim ay naging paborable ang adverse at clinical effect ng bakuna na indikasyong ligtas at epektibo ito.

Sinabi naman ni Parañaque City Mayor Edwin Olivarez na nasorpresa sila dahil sa dami ng dumating sa vaccination site para magpaturok ng Sputnik V.

“This is the longest line so far ever since we started our vaccination in the city. And we were not expecting this much kasi nag-prepare lang kami ng mga na-text namin but apparently marami pong dumating na walk-in,” anang alkalde.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?