266

Oct 13, 2020 @ 20:28
By

Sports car pumailalim sa trak, 3 patay

Patay ang isang negosyante at dalawa nitong pamangkin matapos na sumalpok ang sinasakyan nilang sports car sa sinusundang 10-wheeler truck na may kargang mga tubo, Martes ng madaling-araw sa Bacolod City.

Pawang dead on the spot ang mga biktimang sina Stanley Flores, negosyante; at dalawang pamangkin na sina Welton at Mark John Porcel, mga residente ng Barangay Villamonte ng nasbaing lungsod.

Kasalukuyang nasa kustodiya ng Bacolod City PNP ang suspek na si Michael Mojica, 42, residente ng Kabankalan City, Negros Occidental.

Sa ulat ni Police Major Charles Gever, hepe ng Police Station 4 ng Bacolod City Police, naganap ang insidente ala-1:00 ng madaling-araw sa kahabaan ng Circumferencial Road sakop ng Barangay Villamonte ng nasabing lungsod.

Lulan ng sport car na Ford Mustang ang mga biktima na minamaneho ni Flores at mabilis umanong tinatahak ang kalsada kung saan nasa unahan nito ang trak na minamaneho ni Mojica.

Posible umanong dahil sa sobrang bilis ng sasakyan ay hindi na nakontrol ng drayber ang manibela dahilan upang sumalpok ang sports car sa likurang bahagi ng trak at dahil sa lakas ng salpok nito ay pumailalim ang mahigit kalahati ng kotse sa trak dahilan ng agarang kamatayan ng mga sakay nito.

Patuloy naman ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya hinggil sa pangyayari.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?