14

Apr 8, 2021 @ 15:20
By

Spongebob, Hitler sinulat sa form: Mga Pinoy pinagtitripan lang contact tracing

Nireklamo ng ilang contact tracer ang ilang Pinoy na hindi siniseryoso ang contact tracing laban sa COVID-19.

Sa ‘Stand for Truth’ ng GMA, kinuwento ni Holly Dela Paz ang kanyang naging karanasan sa pagiging contact tracer sa Metro Manila.

Aniya, mali ang diskarte ng contact tracing sa bansa, lalo na sa mga establisimiyento tulad ng mga mall.

Paliwanag ni Dela Paz, sa pagsulat sa mga form, kadalasan ay nagpapasahan lang ng mga ballpen ang tao na mas delikado sa pagkalat ng new coronavirus.

Dagdag pa nito ang panloloko lang ng ilan sa form, kung saan kung ano-anong pangalan na lang ang sinusulat.

“May nababasa ka roon ang pangalan Adolf Hitler, may pangalan Spongebob, maco-contact trace ba namin ‘yun? Minsan wala pang binibigay na cellphone number, hindi pa ho readable ‘yung sulat,” ayon sa contact tracer.

Mayroong contact tracing app na StaySafe sa bansa, ngunit marami pa ring establisimiyento ang gumagamit ng mga form para makuha ang mga detalye ng customer.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?