896

By

‘Spiderman’ hindi nagsisisi sa panggugulo sa PBA

Hindi madalas mangyari sa PBA court ang biglaang umentra ang isang ‘superhero’ sa kalagitnaan ng laro, lalo na sa finals series kung saan gitgitan ang labanan.

Ngunit nitong Biyernes sa Game 5 ng Magnolia at San Miguel, biglang umeksena si ‘not so friendly neighborhood’ Spiderman sa gitna ng court, at pinatumba pa matapos mabangga si five-time MVP June Mar Fajardo.

Kaagad na hinuli si ‘Spidey’, naka-costume pa nang dalhin sa pulisya para imbestigahan. Sa PBA ay hindi pa pinapangalanan ang nakamaskarang miron ngunit nalantad din ang alter ego nito sa harap ng pulisya.

Malayo sa Peter Parker ang ngalan ng misteryosong lalaki, nabunyag na Paolo Felizarta ang kanyang tunay na pagkakakilanlan.

Nang makapanayam si Felizarta sa Quezon City Police District Station 7, sinabi nito na ginawa niya lamang ito para maihatid ang mensahe sa parating na eleksyon sa Lunes.

“No, never,” ayon kay ‘Spidey’ matapos tanungin kung kanyang pinagsisihan ang nagawang pag-eksena sa basketball court.

“Kapag gusto mong tumulong, hindi ka magsisisi. Tandaan niyo ‘yan, hindi ka magsisisi, never,” aniya pa.

Sa naging eksena nito, hawak niya ang ilang papel na may mensahe katulad ng “Vote! Love!”, “Peace for the Philippines” at “Support PBA” na nagpapakita ng tunay niyang intensyon sa ‘panggugulo’.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?