63

Nov 25, 2021 @ 16:57
By

Special TF na mag-iimbestiga sa spam text pinabubuo

Nanawagan ang isang solon na bumuo ng special task force ang Department of Information and Communications Technology (DICT), National Bureau of Investigation (NBI) at Data Privacy Commission na siyang mag-iimbestiga sa pagdagsa ng mga spam text message.

Ayon kay AP Rep. Ronnie Ong hindi na maituturing na simpleng law enforcement issue ang pangyayari dahil maaari itong magkaroon ng implikasyon sa pambansang seguridad.

Dapat umanong matukoy kung papaano napasakamay ng mga spam text sender ang mga pribadong numero at makagawa ng hakbang upang maiwasan itong mangyari muli.

“The surge of spam texts coming from swindling syndicates and internet hackers is very alarming. The government should take very serious steps to expose the people who are responsible for this massive data breach,” sabi pa ni Ong.

Hinimok din ni Ong ang Kongreso na repasuhin at amyendahan ang Data Privacy Act (Republic Act 10173) upang mas mapalawak ang saklaw nito at mapataas ang parusa sa mga lalabag.

“How did they get our numbers? Who is responsible for this leakage of personal data?” tanong ni Ong.

Kung mapapasakamay umano ng mga cyber-terrorist ang mga nanakaw na impormasyon ay maaari itong magamit para magkalat ng maling impormasyon at makapagdulot ng pangamba sa publiko.

“At this day and age where nearly all Filipinos are dependent on their mobile devices and the Internet, it is now so easy to sow fear and destroy our sense of security,” punto pa ni Ong.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?