27

Oct 7, 2020 @ 14:56
By

Special session ng Kongreso posible – Sotto

May posibilidad na magkaroon ng espesyal na sesyon ang Kongreso para maiwasan ang pagkaantala sa pag-apruba sa panukalang P4.5 trilyon national budget sa 2021.

Ito ang kinumpirma ni Senate President Vicente Sotto III nang kanyang iparating ang ideya kay Executive Secretary Salvador Medialdea kasunod ng agarang suspensiyon ng Kamara sa kanilang sesyon noong Martes.

“Yes, the Palace can call for a special session,” pahayag ni Sotto sa kanyang text message sa mga reporter.

“It was an idea I told ES (Medialdea) if they want to prevent the delay of the budget,” dagdag nito.

Base sa legislative calender ng 18th Congress, ang mga mambabatas ay nakatakdang mag-recess sa Oktubre 16 hanggang Nobyembre 16.

Nauna nang nangako ang liderato ng Kamara na knailang ipapasa ang General Appropriations Bill sa Oktubre 14.

Sakaling pumayag ang executive department sa kanyang panukala, sinabi ni Sotto na nakahanda ang Senado na magsagawa ng sesyon kahit na naka-break.

Samantala, sinabi ni Sotto na nakausap niya si Speaker Alan Peter Cayetano noong Martes ng gabi at nangakong ipapasa nila sa ikatlo at pinal na pagbasa ang panukalang pondo kapag nagpatuloy ang sesyon sa susunod na buwan.

“Sabi ko: ‘Pinasa niyo rin lang on second reading, ba’t ‘di niyo pinasa on third reading?’ ‘Di ba? Kung ganoon din lang. Puwede niyo nang ma-transmit na sa amin — marami siyang dahilan, eh,” sabi ni Sotto.

Nanindigan pa ito na hindi nila puwedeng madaliin ang pagbusisi sa mga probisyon at pondo na nakalaan sa iba’t ibang ahensiya ng gobyerno.

“Hindi puwede sa amin, kahit noong araw pa hanggang ngayon, never naging puwede sa railroad eh. Laging bubusisiin ‘yan,” ani Sotto.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?