36
Special Investigation vs Moraleta, ikinasa ng QCPD
By

Special Investigation vs Moraleta, ikinasa ng QCPD

Para sa agarang ikalulutas at matutukan ng husto ang kaso ng pagpatay sa isang miyembro ng media, bumuo ang pamunuan ng Quezon City Police District (QCPD) ng Special Investigation Task Group (SITG) Moraleta.

Ayon kay QCPD Director P/Brigadier Gen. Joselito Esquivel Jr, matapos makumpirma na taga-media ang biktimang si Adam Casil Moraleta, 56, residente ng No. 20-N De Leon St., Barangay Holy Spirit, QC, ay agad niyang inatasan ang kanyang mga tauhan sa Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU) at QCPD-Station 6 na magtulungan upang mabilis na maresolba ang kaso.

Tiniyak ni Gen. Esquivel na lahat ng anggulo at posibleng motibo ng krimen ay kanilang sinisilip sa ginawang pagpatay sa mamamahayag.

“As of now CIDU ang nag-assist sa Station 6, upon confirmation na media practitioner siya then SITG would be activated” ani Gen. Esquivel.

Si Moraleta na aktibong miyembro ng National Press Club (NPC) ay pinagbabaril hanggang sa mapatay ng dalawang hindi pa nakikilalang suspek nitong Huwebes sa Marcelino St., Barangay Holy Spirit, Quezon City.

Nabatid na dating empleyado ng Pahayagang Remate ang biktima at bago ito pinatay ay sinasabing freelance account executive ng Daily Tribune at Saksi.

Sa imbestigasyon ng pulisya, si Moraleta ay pinagbabaril ng dalawang hindi pa nakikilalang suspek na naka-suot ng black jacket noong Huwebes (June 6) ng alas-7:25 ng umaga sa tapat ng house No.15 Marcelino St., Brgy. Holy Spirit, dalawang bahay lamang ang layo sa kanyang tahanan.

Sa inisyal na impormasyon, wala sa drugs watchlist ang biktima kaya’t inaalam ng kapulisan kung may kaaway ang biktima at iba pa niyang koneksyon o work related ang pagpatay kay Moraleta.

Samantala kinondena ng pamunuan ng National Press Club (NPC) ang pamamaslang kay Moraleta na isang active member ng kanilang samahan at nanawagan sila sa mga indibidwal na posibleng mayroong impormasyon na makapagtuturo sa salarin.

Ayon kay NPC Vice President Paul Guttierez si Moraleta ang ikatlo na pinatay na miyembro ng NPC sa loob ng limang taon na kinabibilangan ni Rubylita ‘Ruby’ Garcia, reporter at Joaquin ‘Jun’ Briones na isang columnist.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?