67

May 24, 2021 @ 14:23
By

Special child nabaril ng pulis, todas

Patay ang isang teenager na may kapansanan matapos itong magkaroon ng engkuwentro sa isang pulis sa Brgy. Lingunan, Valenzuela City.

Ayon kay Mayor Rex Gatchalian, nagsasagawa ng operasyon ang pulis sa tupada sa kanilang lungsod.

Doon raw nangyari ang pakikipag-agawan umano ng baril ng lalaking may special needs sa pulis kung saan naiputok ang armas.

“Gumugulong gulong pa raw sila ng pulis bago magkabarilan,” saad ni Gatchalian sa panayam ng DZBB.

Depensa naman ng ina ng 18-anyos na biktima, hindi umano magagawang lapitan ng kanyang anak ang pulis dahil may takot umano ito sa mga awtoridad.

Nagtungo lang daw siya sa CR nang biglang mawala ang kanyang anak, at nagulat na lang dahil nagsigawan ang mga kapitbahay at doon nalaman na nabaril ang teenager.

“Ang sinasabi sa akin ng magulang, una yung special child nila na anak, takot sa pulis yun, so hindi yun pupunta o makikipag-away sa pulis,” paglalahad ni Gatchalian.

Iniimbestigahan na ang naturang pangyayari at nasa ilalim ng restrictive custody ang pulis na hindi pa pinapangalanan.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?