72

Sep 14, 2019 @ 15:13
By

Spain, Argentina agawan sa 2019 World Cup crown

Hindi na bagito ang Argentina at Spain sa kanilang pakikipagharap para sa titulo ng FIBA Basketball World Cup dahil minsan na nitong nagawang masungkit ang Naismith Trophy.

Nagawa ng South Americans na mapanalunan ang pinakaunang edisyon ng kompetisyon noong 1950 habang ang mga Spaniards ay nabitbit ang tropeo sa huling pagkakataon na isinagawa ang World Cup sa Asia noong 2006.

Nakatakdang magkita ang Argentina at Spain sa pag-aagawan sa titulo sa finals ng FIBA Basketball World Cup 2019 matapos na lumapit sa pagsungkit sa prestihiyosong Naismith Trophy sa pagpatalsik sa kanilang mga nakalaban sa matinding semifinals Biyernes ng gabi.

Magbabalik ang mga Spaniards sa finals sa unang pagkakataon sapul noong 2006 kung saan napagwagian nito ang World Cup trophy sa Japan, habang ang mga Argentinians ay sasagupa sa kanilang unang pagkakataon para sa titulo mula noong mabigo ito noong 2002 kontra Yugoslavia.

Nanatiling walang talo sa World Cup ang Spain matapos nitong ipakita ang husay sa paghahabol at pagbalikwas upang itakas ang 95-88 double-overtime panalo kontra sa Australia kung saan binura nito ang double-digit deficit sa regulation upang ipalasap sa Boomers ang una nitong kabiguan sa torneo.

Nagtala ng incredible 33 puntos, 6 rebounds at 4 assists si Marc Gasol habang may 19 puntos, 7 rebounds at 12 assists si Ricky Rubio upang tulungan ang Spain na takasan ang pinamunuan ni Patty Mills na Australia.

Matapos na patalsikin ang Serbia sa quarterfinals ay ipinagpatuloy naman ng Argentina ang kampanya sa World Cup matapos itala ang 80-66 panalo kontra France sa Beijing sa pagtutulungan ni Luis Scola at Facundo Campazzo.

Kokoronahan ang bagong FIBA Basketball World Cup champion ngayon, Linggo, Setyembre 15 sa Wukesong Sport Arena in Beijing sa ganap na 20:00 hours o (GMT+8). (Lito Oredo)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?