174

By

Spa na may ‘special services’ sinalakay; 6 masahista, may-ari arestado

Sharing is caring!

Inaresto ang anim na lalaking masahista at ang may-ari ng isang spa sa Makati City dahil sa pag-aalok ng panandaliang-aliw.

Pasado alas-11:00 ng gabi ng Martes nang isagawa ng mga tauhan ng Special Operations Unit ng Makati City Police ang entrapment operation sa Green Palace Spa sa Unit 103 Atrocity Bldg., sa Barangay Poblacion.

Ayon kay Makati Police chief, Sr. Supt. Gerry Umayao, sa pamamagitan ng website ng spa ay nag-aalok sila ng iba’t ibang uri ng masahe, kasama na ang tinatawag na ‘extreme’ o ‘naked body to body massage’.

Ang mga interesadong kliyente ay magpapa-set ng appointment para sa ‘special services’.

Kinilala ang mga inaresto na sina John Martin Ibe, ang itinuturong may-ari ng spa at ang kanyang massage attendants na sina Lester dela Cruz, 22; Anolowil Vicera, 25; Alvin Cardinas, 28; Elmer Agquiz, 28; Jay Mark Estevel, 20; at Ralph Oliver Lim, 29.

Kabilang sa mga narekober ay ang ginamit na P2,000 marked money, anim na cellphone, isang laptop computer at mga resibo sa mga kliyente.

Nadiskubre rin na walang business permit ang negosyo ni Ibe kaya’t bukod sa paglabag sa Republic Act 10364 o Expanded Anti-Trafficking in Persons Act of 2012 ay kakasuhan din siya ng paglabag sa isang ordinansa. (Pinggoy Romero)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?